MANILA, Philippines — Ipinatigil muna ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pag-i-inspeksiyon sa lahat ng business establishments sa lungsod ngayong holiday season.
Nabatid na naglabas si City Administrator Bernie Ang ng memorandum sa lahat ng concerned city government units hinggil sa agarang pagpapatupad nito sa mga establisimyento kabilang ang mga shopping malls.
Binigyang-diin ni Ang na ang kautusan ay ‘for strict compliance’ at nagbabala na ang mga lalabag dito ay mahaharap sa kaukulang kaparusahan.
Ipinaliwanag ni Ang na ang kautusan ay ginawa ng alkalde upang matiyak na hindi magagambala ang operasyon ng mga negosyante sa lungsod ngayong holidays, kung kailan aniya kalakasan ng pagnenegosyo.
Layunin din aniya ng hakbang na mapigilan ang anumang pagtatangka ng ilang tiwaling indibidwal na i-harass at kikilan ang mga negosyante, sa pamamagitan nang pagpapanggap bilang city hall inspectors.
Giit ni Ang, ang mga ganitong aktibidad ay talamak sa panahon ng holidays.
Kaugnay nito, umapela rin naman ang city administrator sa mga business establishment owners na huwag mag-atubiling magsumbong sa mga awtoridad sakaling may magtangkang mag-inspeksiyon sa kanilang establisimyento, at kuhanan ng larawan at video ang mga taong gagawa nito para sa agarang aksiyon.