MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasa higit P5.7 milyong halaga ng mga kagamitan sa isang compound na nagsasagawa ng illegal refilling ng mga LPG sa Bulacan.
Ayon kay CIDG Director PBGen. Nicolas Torre III, pinasok ng CIDG-Regional Field Unit 3-RSOT, Bulacan Provincial Field Unit at Bulacan PNP ang Marilao Industrial Compound sa Brgy. Mahabang Parang, Sta. Maria, Bulacan nitong Huwebes sa bisa ng search warrant na inisyu ni
Hon. Adonis A. Laure, Acting Presiding Judge ng Third Judicial Region, Regional Trial Court, Branch 21, dahil sa paglabag sa Republic Act No. 623 o regulasyon sa paggamit ng mga duly marked containers.
Nakuha sa lugar ang iba’t ibang kagamitan at materyales kabilang ang mga gamit na original, bagong pintura at refilled Pryce Gas LPG cylinders; weighing scales; refilling hoses and machines; LPG pumps; compressors at storage tanks.
Isang nagngangalang “Olga” na on site checker lamang ang nadatnan ng mga awtoridad habang agad na dinala sa RFU 3 office ang mga kinumpiskang ebidensiya.
Dagdag ni Torre, ang illegal operation ng mga refilling ng LPG ay posibleng magdulot ng sakuna at kapahamakan. Aniya, ang kanilang operasyon ay pagtitiyak sa seguridad ng publiko sa paggamit ng LPG.