NCRPO 24/7 ngayong Undas hanggang Linggo – Hernia
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMGen. Sidney Hernia na 24/7 ang monitoring ng kanyang mga pulis mula ngayong Nobyembre 1 hanggang sa Linggo.
Sa panayam kay Hernia, sinabi nito na kailangan na makita 24-oras ang sitwasyon sa mga bus terminal at mga sementeryo sa Metro Manila ngayong Undas at ang mga magbabalikang pasahero sa Linggo.
Ani Hernia, nasa 12,000 pulis ang nakadeploy sa MM bukod pa sa tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), local government units at barangay officials para sa seguridad ng publiko.
Kahapon ay personal ding ininspeksiyon ni Hernia kasama sina Quezon City Police District (QCPD) Director PCol. Melecio Buslig, Jr. at Deputy District Director for Operations PCol. Amante Daro ang Five Star Bus Terminal sa Edsa, Cubao.
Siniguro ni Hernia sa mga biyahero ang kanilang kaligtasan at pinayuhan na agad na humingi ng assistance sa mga pulis kung kinakailangan.
Nagtungo rin sa Manila North Cemetery si Hernia na isa sa pinakamalaking sementeryo sa MM.
Nagsimula ang 24/7 monitoring ng NCRPO kahapon ng madaling araw kung saan nagsimula na rin ang pag-uwi sa mga probinsiya.
Samantala, ininspeksiyon ni Buslig ang Holy Cross Cemetery sa Quirino Highway kung saan pinaalalahanan ang kanyang mga pulis at barangay officials na tiyakin ang seguridad ng mga dadalaw.
Paalala nito sa mga dadalaw sa sementeryo na bigyan ng oras ang panalangin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
- Latest