4 sakote ng NBI sa pamemeke ng public docu

Ang isa sa apat ay isang 17 years old kayat tatlo lamang ang naiharap sa media.

MANILA, Philippines — Iprinisinta kahapon ng National Bureau of Investigation-Special Task Force ang apat katao na sangkot sa pagproseso at pagbebenta ng mga pekeng public documents tulad ng NBI Clearance.

Ang isa sa apat ay isang 17 years old kayat tatlo lamang ang naiharap sa media.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang apat ay nahuli sa ikinasang operasyon ng mga tauhan nang malaman na may nag-iisyu ng pekeng NBI Clearance sa Quiapo Maynila.

“Ang pagkakaalam namin ay NBI clearance lang ang pinoproseso rito pero nang puntahan at mahuli ang apat ay hindi lamang pekeng NBI clearance ang kanilang pinoproseso kundi iba pang dokumento tulad ng pekeng titulo ng lupa, pekeng birth certificate at mga pekeng Meralco bills na gamit sa aplikasyon ng kanilang mga kliyente sa loans,” ani Santiago.

Anya aabutin lamang ng P150.00 ang halaga ng regular NBI clearance pero ‘pag kumuha sa nasabing mga suspek ay may halagang mula P500 hanggang P1,500 na wala pang ilang minuto ay makukuha na dito.

Nasamsam din sa mga suspek ang higit 10 monitor, CPU at iba pang paraphernalia na gamit sa illegal operation.

Kaugnay nito sinabi ni Atty Jeremy Lotoc ng NBI Special Task Force na kakasuhan nila ng paglabag sa 171 at 172 Revised penal Code ang mga suspek.

Hihilingin din anya ng NBI ang tulong ng Kongreso na amiendahan ang naturang batas upang maitaas ang parusa sa mga namemeke ng public documents.

Dahil aniya sa probation lamang ang mga nahuhuli sa pamemeke ng dokumento, kapag nahuli ang mga suspek ay makakalaya at babalik na naman sa kanilang modus.

Sinabi ni Director Santiago na makikipag-ugnayan din ang NBI sa barangay officials sa Quiapo upang magkatulungan na mawalis na ang mga nasa likod ng naturang ilegal na operasyon.

Show comments