Publiko pinaghahanda na sa Undas
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang publiko na agahan ang paghahanda para sa nalalapit na paggunita ng Undas.
Ayon kay Lacuna, ang deadline para sa paglilinis ng mga puntod at nitso ay hanggang sa Oktubre 25, 2024 o anim na araw pa bago ang Nobyembre 1 at 2.
Kasabay nito, inatasan ng alkalde ang Manila North Cemetery (MNC) na agahan din ang paglalabas ng iskedyul para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Ani Lacuna, sa ganitong paraan ay makapaghahanda ang mga bibisita ng mas maaga, dahil ang MNC na pinamumunuan ni Director, Yayay Castaneda ang pinakamalaking sementeryo sa bansa at may pinakamaraming bumibisita tuwing Undas.
Batay sa inilabas na paabiso ng tanggapan ni Castaneda, ang mga may mahal sa buhay na nakalibing sa nasabing sementeryo ay maaaring maglinis, magpintura ng mga puntod at nitso hanggang Oktubre 25. Matapos umano ang naturang petsa ay hindi na papayagan pa ang sinuman na maglinis ng puntod.
Samantala, suspendido naman ang cremation hanggang matapos ang Oktubre 28 habang ang tanggapan ng MNC ay sarado mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 3, 2024.
Inaasahan sa Nob. 4 ay magbabalik na ang lahat ng serbisyo, kabilang ang cremation at libing.
Mula Oktubre 24 hanggang Nob. 4, ang main gate ng MNC ay bukas mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-5:00 ng hapon.