Mayor Joy sa bagong QCPD chief: ‘Seguridad ng QCitizens, tiyakin’
MANILA, Philippines — Sa pagpapalit ng liderato ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon, mahigpit ang paalala ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kay PCol. Melecio Buslig, Jr., na iprayoridad ang kaligtasan ng bawat QCitizen.
Personal na sinaksihan nina Belmonte at National Capital Region Police Office (NCRPO) director PMaj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr, ang turnover ceremony kung saan pinalitan ni Buslig si PBrig. Gen. Redrico Maranan na itinalaga bilang bagong director ng Police Regional Office 3.
Si Maranan ay miyembro ng PNPA Patnubay Class of 1995 na nagsilbi bilang director ng QCPD at naging hepe ng PNP Public Information Office. Pinalitan niya sa puwesto si PBrig. Gen. Jose Hidalgo na maagang nagretiro dahil sa planong pagtakbo bilang mayor sa bayan ng Cuyapo sa Nueva Ecija.
Ayon kay Maranan, umaasa siya na ipagpapatuloy ni Buslig ang mga proyekto ng QCPD partikular ang peace and order sa lungsod.
Binigyan diin naman ni Belmonte na hindi matatawaran ang serbisyo ni Maranan bilang QCPD director.
“Masasabi ko na si Gen. Maranan ang pinakamagaling sa lahat ng district director sa ilalim ng aking pagiging mayor ng QC,” ani Belmonte.
Naibaba ni Maranan ang crime rate sa lungsod kasabay ng pagpapatupad ng mga polisiya na makakatulong sa residente ng Lungsod.
Hiling ni Belmonte kay Nartatez na huwag dalasan ang palitan ng district director upang maipatupad nang tuluy-tuloy ang programa ng kapulisan.
- Latest