Kelot na wanted arestado, habang kumukuha ng police clearance
MANILA, Philippines — Isang lalaking wanted ang inaresto ng mga pulis habang kumukuha ng police clearance sa loob ng Manila Police District (MPD) sa Ermita, Manila, kahapon ng umaga, matapos na matuklasang may nakabinbing warrant of arrest.
Kinilala lang ang suspek sa alyas ‘Vidal,’ 30, ng Brgy. Ampid 1, San Mateo, Rizal.
Batay sa ulat ng MPD - Warrant and Subpoena Section, dakong alas-11:30 ng umaga nang maaresto ang suspek sa loob mismo ng National Police Clearance office ng MPD Headquarters, sa United Nation Ave., Ermita.
Nauna rito, nagtungo si Vidal sa MPD upang kumuha sana ng police clearance ngunit kaagad siyang dinakip ng mga awtoridad matapos na matuklasan na siya ay kabilang sa listahan ng kanilang ‘Other Wanted Person.’
Ayon sa pulisya, si Vidal ay may nakabinbing warrant of arrest, na inisyu ni Hon. Rochelle Santos Manuel, presiding judge ng Quezon Regional Trial Court (RTC) Branch 97, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 1161, o The Social Security Law Sec. 9(a) in Relation to Section 10 at 28(e) ng R.A. 8282 noon pang 2022.
Nagrekomenda naman ang hukuman ng P72,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Nakapiit na ang suspek sa MPD habang inaantabayan ang commitment order ng hukuman laban sa kanya.
- Latest