‘Task Force Manila Shield’ activated na sa SONA - PNP
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief at Spokesperson PCol. Jean Fajardo na antivated na ang “Task Force Manila Shield” kaugnay ng gaganaping State of Nation Address ngayong hapon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Fajardo, ang TF Manila Shield ay isang komprehensibong hakbang sa seguridad na layong pigilan ang anumang pagtatangka na guluhin ang mga major public events sa Metro Manila.
Aniya, sinimulan itong i-activate nitong Sabado ng hatinggabi.
Sa pag-activate ng Task Force Manila Shield, sinimulan ng PNP ang iba’t ibang security operations tulad ng pagpapatupad ng mga checkpoint sa loob at labas ng Metro Manila, partikular sa CALABARZON at Central Luzon.
Ihahanda rin ng PNP ang mga civil disturbance management teams at elite units tulad ng Special Action Force.
Samantala, hindi naman bababa sa 23,000 pulis ang magse-secure ng SONA, na may humigit-kumulang 6,000 na ipapakalat sa Batasang Pambansa Complex at sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Tiniyak naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMaj. Gen. Jose Melencio Nartatez, magtutulungan ang mga tauhan ng PNP, Bureau of Fire (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Department of Public Order and Safety (DPOS) ng QC LGU upang masiguro na maayos at payapa ang paligid ng Batasang Pambansa Complex.
- Latest