5 Pinoy mula Haiti, balik Pinas – DMW
MANILA, Philippines — Ligtas nang nakauwi nitong Martes ng gabi sa bansa ang lima sa unang batch ng 63 overseas Filipino worker (OFW) repatriates mula sa Haiti na naapektuhan ng karahasan.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Assistant Secretary Jerome Alcantara na boluntaryong hiniling ng 63 OFWs ang makauwi sa Pilipinas upang makaiwas sa lumalalang sitwasyon ng karahasan sa Haiti.
Karamihan sa limang dumating ay professional workers, na nabigyan ng financial assistance ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ani Alcantara, agad ring isinailalim ng mga tauhan ng Department of Health (DOH) sa onsite health assessment ang limang OFW.
Sinabi ni Alcantara na nag-aalok din ang DOH ng mental health checkup para sa mga repatriates.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 169 na OFW sa Caribbean country, kung saan 63 dito ang nag-sign up para sa voluntary repatriation.
Samantala, sa mga nag-aalalang kaanak ng OFWs sa Haiti, maaaring makipag-ugnayan sa OWWA Hotline One Repatriation Center, at tumawag sa1348, na bukas 24 hours, para sa updates sa mga mahal sa buhay na naroroon pa sa Caribbean country.
- Latest