‘Basaan Zone’ itatalaga sa Wattah Wattah! Festival - San Juan LGU

Fire volunteers spray water at residents who participated in the ‘Wattah Wattah’ Festival in San Juan City on June 24.

Iwas gulo, pinsala

MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang pinsala dulot ng basaan tuwing kapistahan ni San Juan Bautista, magtatakda  na ng  “basaan zone” ang  San Juan City sa pagdiriwang Wattah Wattah! Festival.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, bubuo sila ng regulasyon para sa taunang kapistahan ng kanilang Patron Saint upang maiwasan ang katulad na pangyayari kung saan isang deli­very rider ang binasa at binatukan pa ng isang residente nang manlaban ito.

Sinabi ni  Zamora na ang kahabaan ng Pinaglabanan Street sa pagitan ng N. Domingo at P. Guevara ang itatalagang “basaan zone”.

“Next year, we will allow the activity to be held only in that area. Water dousing in other areas outside that zone will not be allowed,” ani  Zamora.

Aniya, napag-u­sapan na  nila ni Vice Mayor Angelo Agcaoili ang paggawa ng ordinansa para sa  pagdiriwang sa susunod na taon na kailangan ding ikunsidera at balansehin dahil tradisyon na ang Wattah Wattah festival.

Nabatid na naghain ng reklamo sa San Juan Prosecutors Office nitong Biyernes ang complainant na si Eustaquio Rapal, ang rider na naperwisyo sa basaan.

Binigyan diin ni  Zamora na may umiiral na ordinansa ang lungsod noong 2018 na nagbabawal sa hindi maayos na ikikilos sa pagdiriwang tulad ng hindi maaring puwersahin na buksan ang mga sasakyan, maging pribado o public utility o manakot ng mga dumaraan.

Bukod dito  isinasaad sa  Revised Penal Code na may parusa sa direct assault, serious physical injury, at malicious mischief.

Hinimok naman ng alkalde ang mga na­pinsala o naperwisyo sa nakaraang selebrasyon na magtungo sa kanyang tanggapan at magdala na rin ng larawan o video ng pangyayari upang matukoy ang responsable.

Show comments