^

Metro

11 ‘tulak’ laglag sa NPD

Doris Franche-Borja - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Laglag sa mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang  11 ‘tulak’ sa magkakahiwalay na  operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng nasa halos P.8 milyong halaga ng  shabu sa loob ng isang linggo sa CAMANAVA area.

Sa operasyon ng Valenzuela City Police sa ilalim ni  PCol. Nixon Cayaban, nadakip dakong alas 8:20 kahapon ng  umaga sa  Santolan Service  Road, Brgy. Gen. T. De Leo sa buy-bust operation  si  alyas Jhay-R Panga, 44 at nakuhanan ng  25 gram ng  pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng  P170,000.

Nauna rito, isang buy-bust operation din  ang ikinasa  ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangu­nguna ng  hepe nitong si PMajor Jeraldson Rivera na nagresulta sa pagkakahuli kina   alyas Leinard, 22; alyas Jonathan, 41; alyas Otep, 41; at alyas Joven, 28.

Nabatid na nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa iligal na aktibidad ni ‘Leinard’ sa pagbebenta ng illegal na droga.

Bumuo ng team ang DDEU at ikinasa ang buy-bust operation dakong alas-3 ng  madaling araw nitong Huwebes sa Malolos  Ave. East, Bagong Barrio, Caloocan at  nagresulta sa pagkakahuli  kay ‘Leinard’. Binitbit din ang tatlo pa  nang maaktuhang sumisinghot ng shabu sa loob ng naturang bahay.

Nakuha sa mga suspek ang humigi’t kumulang 61.27 grams ng shabu na may standard drug price value na P416,636.00, buy-bust money at mga drug paraphernalia.

Nakalawit naman ng  mga tauhan ni Malabon City Police chief PCol. Jay Baybayan sina Alyas Cristy, 47; alyas Tony, 56; alyas Anjho, 37 at alyas Ross, 35 sa magkasunod na anti-illegal drugs operation sa lungsod.

Sina alyas Cristy at alyas Tony ay  nakuhanan ng  nasa P85,000.00 halaga ng shabu sa C-4 Road, Brgy. Tañong habang  nasa P68,000.00  naman ang  halaga ng shabu na nakumpiska kina alyas Anjho at alyas Ross sa  panulukan ng  Gen. Luna at Celia 1 Sts., Brgy. Bayan Bayanan dakong ala-1 ng  madaling araw nitong Miyerkules.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa  checkpoint ng mga tauhan ni  Caloocan City Police chief PCol.  Paul Jay Doles ang magka-angkas na motorcycle rider  nang makuhanan ng shabu na nagkakahalaga ng P40,800.00.

Napag-alaman na nagsasagawa ng  checkpoint ang mga pulis nang sitahin ang dalawa dahil sa kawalan ng  suot na helmet.

Sa halip  na huminto, pinaharurot pa ng  dalawa ang motorsiklo  subalit nasukol din ng mga pulis.

Ayon naman kay NPD Director PBGen. Rizalito Gapas, ang  pagkaka aresto ng  mga suspek ay bunsod ng pinaigting na kampanya at pagpapatrolya ng mga pulis laban sa ilegal  na droga.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

CAMANAVA

NPD

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with