Lider ng ‘Chavez Criminal Group’ nalambat

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga pulis ang isang lalaking umano’y lider ng notor­yosong Chavez Criminal Group sa ikinasang manhunt operation sa Pasig City kamakalawa ng hatinggabi.

Ayon kay Pasig City Police chief PCol. Celerino Sacro Jr. ang suspek na si alyas “Jerry Chavez”, 23, ng Brgy. Caniogan, Pasig City ay kasalukuyan nang nakapiit sa custodial facility ng Pasig City Police habang hinihintay pa ang commitment order ng hukuman laban sa kanya.

Batay sa ulat, si Chavez ay nadakip alas-12:00 ng hatinggabi sa Mahogany dela Paz St., sa Brgy. Caniogan habang nakatambay sa isang nakaparadang motorsiklo.

Hindi na umano nakapalag ang suspek nang silbihan ng warrant of arrest ng joint operatives ng Station Intelligence Section, Special Reaction Unit, at RMFB4A 404th A Maneuver Company.

Ang naturang warrant of arrest ay inisyu ni Hon. Maria Gracia Casaclang, Presiding Judge ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 155, noong Marso 22, 2024 dahil sa kasong Robbery na may inrekomendang P72,000 na piyansa.

Show comments