Drug ops sa Quezon City at Camanava
MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P2.5 milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa anti-illegal drug operations sa Quezon City at CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area na nagresulta sa pagkakaaresto ng walong umano’y kilabot na ‘tulak’.
Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD) director PBrig. Gen. Redrico Maranan, nadakip ang suspek na si Jimmy Calvar, Jr., 29 ng Brgy. Batasan Hills, QC sa buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU)-Batasan Police Station (PS 6) sa ilalim ni PLt. Col. Roldante Sarmiento alas-2:35 ng hapon at nakumpiska ang may P1,360,000 na halaga ng shabu.
Samantala sa CAMANAVA area, nakumpiska ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa tatlong araw na operasyon ang nasa P1,222,340 na halaga ng illegal drugs.
Sa operasyon ng Navotas City Police sa pamumuno PCol. Mario Cortes, nitong Huwebes at Biyernes, nakilala ang mga suspek na sina alyas Mayang, 37; alyas Ivan, 25; alyas ET, 43 ; alyas Rambo, 27 at alyas Em, 30.
Ang limang drug suspect ay nadakip sa mga buy-bust operation sa Kapalaran 3, Brgy. San Roque, Navotas City; Gov Pascual St., Brgy. Daanghari, Navotas City at Bonito St., Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City. Nakuha sa kanila ang nasa P868,740 halaga ng shabu.
Nalambat din ng mga tauhan ni Caloocan City Police chief PCol. Ruben Lacuesta mula sa Cadena De Amor Police Sub-Station ang isang high value target at nakuhanan ng P115, 600 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Opel St, Brixton Ville Subd, Brgy. 175 Camarin ng nasabing lungsod.
Dakong alas-4:35 ng madaling araw nitong Martes nang ikasa rin ng mga tauhan ni Valenzuela Police chief, PCol. Nixon Cayaban ang drug buy-bust sa Liwayway St. Marulas, Valenzuela City na nagresulta sa pagkakahuli ni alyas Noezel, 36, na nakumpiskahan ng 35 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P238,000.
Pinuri ni NPD director PBrig. Gen. Rizalito Gapas ang accomplishments ng mga pulis at tiniyak na mas lalo pang paiigtingin ang kampanya tungo sa drug free city.