Ban sa e-trike, e-bike sa Metro Manila umpisa na
MANILA, Philippines — Kasado na ngayong araw, Lunes, Abril 15, ang pagsisimula ng ban o pagbabawal sa mga light electric vehicles o e-vehicles sa mga national roads sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.
Ito’y alinsunod sa ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council (MMC), sa pamamagitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), noong Pebrero.
Alinsunod sa resolusyon, hindi na papayagang dumaan ang mga light e-vehicles, kabilang ang mga e-bicycles (e-bikes) at e-tricycles (e-trikes) sa mga national, circumferential at radial roads sa Metro Manila.
Kabilang sa mga lansangan na hindi maaaring daanan ng mga light e-vehicles ay ang R1: Roxas Boulevard; R2: Taft Avenue; R3: SLEX; R4: Shaw Boulevard; R5: Ortigas Avenue; Ro: Magsaysay Blvd/Aurora Blvd.; R7: Quezon Ave./ Commonwealth Ave.; R8: A. Bonifacio Avenue; R9: Rizal Avenue; R10: Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway; C1: Recto Avenue; C2: Pres. Quirino Avenue; C3: Araneta Avenue; C4: Epifanio Delos Santos Avenue; C5: Katipunan/C.P. Garcia; C6: Southeast Metro Manila Expressway; Elliptical Road; Mindanao Avenue; at Marcos Highway.
Bukod sa mga naturang light e-vehicles, hindi na rin pahihintulutan na dumaan sa mga naturang lansangan ang mga tricycle, pedicab, pushcarts at mga kuliglig.
Nagbabala ang MMDA na ang mga lalabag sa nasabing ban ay papatawan ng multang P2,500.
- Latest