MANILA, Philippines — Anim na drug suspects ang nasakote ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa Lungsod.
Ayon kay QCPD Director PBrig. Gen. Redrico Maranan, umaabot sa P74,800 ang halaga ng shabu na nakumpiska ng mga pulis sa sunud-sunod na operasyon.
Dakong ala-1:40 ng kahapon ng tanghali nang dakpin ng Galas Police Station (PS 11) sa pamumuno ni Officer-in-Charge PMaj. Octavio Ingles Jr., si Giant Franco Pelayre, 41, ng Brgy. Damayang Lagi, Quezon City matapos na makunan ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
Bagsak din sa kamay ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS- 13) ni PLt. Col Leonie Ann Dela Cruz sina Arvin Natural, 26, at Victorio Kinkito Jr., 37, ng Brgy. Payatas B, Quezon City nang magkabayaran at makuhanan ng 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P35,000 sa Phase 3, Lower Empire, Lupang Pangako, Brgy. Payatas B, Quezon City.
Sabado naman ng umaga nang isagawa ng Masambong Police Station (PS-2) sa pamumuno ni PLt. Col. Jewel Nicanor ang buy-bust operation.
Nakuhanan ng 1-gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800 si John Cedrik Santos, 29, ng Brgy. San Antonio, QC bandang alas-9:40 kamakalawa ng gabi sa Santiago St, corner San Jose St., Brgy. San Antonio, Quezon City.
Laglag din sa buy-bust operation ng Talipapa Police Station (PS-3) sa ilalim ni PLt Col. Morgan Aguilar ang mga ‘tulak’ umanong sina Rommel Villar, 43, at Rodilo Condino, 35, kapwa ng Brgy. Balonbato, Quezon City. Bitnitbit sila ng mga pulis dakong alas-11:20 ng gabi nitong Sabado sa Quirino Highway Bridge, Brgy. Balonbato, Quezon City.
Nakuha sa dalawa ang 4-gramo ng shabu na may street value na P27,200, brown coin purse, cellphone at buy-bust money.
Sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga suspek.
Binigyan diin naman ni Maranan, na ang pagkakaaresto sa mga tulak ay indikasyon na sinsero ang QCPD sa pagsugpo sa mga illegal drugs.