Maangas na parak, pinakulong ng taxi driver
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang pulis matapos na ireklamo ng isang taxi driver na kanyang pinagmumura at pinagbantaan na papatayin kamakalawa sa Quezon City.
Mismong kanyang mga kabaro ang umaresto kay Pat. Erl-Louie Cauilan Alcaraz, 31, nakatalaga sa Malabon City Police Station at residente ng No. 102C South Zinnia Tower, Brgy Katipunan, Quezon City.
Sa pahayag ng biktimang si Uysses Pitallo Vasquez, 56, kay PStaff Sgt. Christian Loyola ng Quezon City Police District (QCPD) nangyari ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga nitong Sabado sa EDSA Northbound, Brgy. Bahay Toro, QC.
Minamaneho ni Vasquez ang kanyang taxi patungong Monumento nang bigla umanong harangin ng pulis na si Alcaraz na sakay ng motorsiklo.
Dito ay sinabihan siya ng pulis ng “P....mo! papatayin mo ba ako? sabay sipa at hampas sa kanyang taxi.
Ipinakita rin umano ng pulis sa biktima kanyang posas sabay bitaw ng salitang “Papatayin Kita”.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis ng QCPD Police Station 15 na nagpapatrolya sa lugar at dinakip ang suspek.
- Latest