Putol na hita ng tao, natagpuan

MANILA, Philippines —  Isang putol na hita ng tao ang natagpuan sa may westbound ng Cavite-Laguna Expressway (Calax) sa Silang, Cavite kamakalawa ng hapon.

Ayon sa pulisya, malaki ang posibilidad na may kaugnayan ang pagkakatagpo sa nasabing putol na hita ng tao sa unang natagpuang torso ng tao.

Alas-2:30 ng hapon nang matagpuan ang isang parte ng hita ng tao sa waterways ng Calax kung saan natagpuan kamakailan ang torso ng isang tao.

Sa naantalang report ng Silang Police, nakatanggap sila ng tawag na may natagpuang putol na hita ng tao sa kahabaan ng waterways ng Calax.

Nang kanilang puntahan, tumambad ang nasabing hita na nakabalot sa isang itim na plastic bag at halos naaagnas.

Nauna pa rito, matatandaang natagpuan din ng awtoridad ang isang lalaki na walang ulo, walang kamay at walang mga paa na nakabalot din sa isang itim na plastic bag. Makalipas ang ilang araw ay nakilala ito ng pamilya matapos na maglabasan sa pahayagan ang nasabing balita.

Samantala hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin makapagbigay ng kumpleto at detalyadong ulat ang hepe ng Silang Police na si Col. Louie Gonzaga.

Dahil dito, nangangamba ang mga residente hinggil sa nagiging tapunan na ng mga chop-chop na tao ang Calax west bound.

Show comments