MANILA, Philippines — Tinatayang daang pasyente at kanilang mga bantay ang inilikas matapos na sumiklab ang sunog sa isang ward ng Philippine General Hospital (PGH) sa Ermita, Manila kahapon ng hapon.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-3:00 ng hapon nang magsimula ang apoy sa main building ng gusali at kaagad na naitaas sa ikalawang alarma pagsapit ng alas-3:11 ng hapon.
Naideklara naman itong under control dakong alas-3:45 ng hapon.
Nabatid na aabot sa 13 fire trucks ang rumesponde sa sunog.
Dahil naman sa sunog, kinailangang ilikas ang mga pasyente sa
Wards 1, 2, 3, 4, at 5 ng PGH, gayundin sa Cancer Institute. Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi dahil sa sunog.
Inaasahan namang kaagad ring pababalikin sa loob ng pagamutan ang mga inilikas na pasyente sa sandaling matapos ang clearing operation at matiyak na ligtas nang muli ang gusali.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng apoy.
Samantala, inihayag ng Department of Health (DOH) na pansamantala munang aampunin ng mga DOH hospitals ang mga pasyente, na karamihan ay matatanda, na inilikas dahil sa sunog na sumilklab sa PGH.
Ayon sa DOH-Health Emergency Management Bureau (HEMB), ililipat muna nila sa iba’t ibang DOH hospitals ang mga pasyente, na pansamantalang nagkakanlong sa parking area ng pagamutan.
Inatasan na rin ng DOH ang mga pagamutang kanilang pinangangasiwaan na maghanda na para mai-accommodate ang mga apektadong pasyente.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng DOH ang mga naturang pagamutan na rebisahin ang kanilang DOH fire evacuation plans at magsagawa ng risk analysis sakaling sumiklab ang sunog.