MANILA, Philippines — Mismong si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na ang nagkumpirma kahapon sa napipintong pagtataas ng pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa unang bahagi ng taong 2024.
Ayon kay Bautista, ito ay ipiprisinta sa Light Rail Transit Authority (LRTA) sa susunod na taon upang mapag-usapan.
Maaari aniyang maipatupad ang taas-pasahe sa unang bahagi ng taong 2024.
“Next year na ‘yung MRT-3. I understand ipepresent ‘yan sa LRTA board. Next year na natin pag-usapan...Hindi naman sila masyadong mahihirapan kung hindi natin kaagad ibibigay ‘yung fare increase na hinihingi nila. Most probably first quarter, next year,” ayon pa kay Bautista.
Nabatid na humihingi ang pamunuan ng MRT-3 ng karagdagang P2.29 para sa boarding fee at P0.21 na pagtaas naman kada kilometro.
Sakali umanong maaprubahan ang petisyon, ang minimum na pasahe sa MRT-3 ay magiging P16 na, mula sa kasalukuyang P13 lamang.
Samantala, ang end-to-end trip naman o mula North Avenue station sa Quezon City hanggang sa Taft Avenue station sa Pasay City, ay magiging P34 mula sa kasalukuyang P28.
Una nang sinabi ng DOTr na ang pamahalaan ang nagsa-subsidize sa malaking bahagi ng pasahe ng mga commuters ng MRT-3.
Sakali namang maipatupad na ang taas-pasahe, ay inaasahang makatutulong ito upang mabawasan ang subsidiya na inilalaan para dito ng gobyerno.