Road rage sa Tondo: 1 patay

Sinampahan na ng kaukulang kaso ng pulisya ang truck driver na si Marlon Ilas na nanagasa at nakapatay sa isang driver ng van na kanyang nakagitgitan sa Tondo, Manila.
Kuha ni Edd Gumban

Driver ng van sinagasaan ng nakagitgitang trak

MANILA, Philippines — Patay ang isang dri­ver ng isang aluminum van makaraang sad­ya­ing sagasaan ng driver ng isang trailer truck na kaniyang nakagitgitan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Benjamin Bagtas, 47, ng Parola, Tondo.

Nadakip naman ang suspek na si Marlon Ilas, 34, ng Malig, Isa­bela City.

Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa southbound lane ng Mel Lopez Blvd., malapit sa Smokey Mountain, Vitas, Tondo.

Nabatid na magkasa­bay na binabaybay ng sasakyan ng bikti­ma at suspect ang southbound lane ng Mel Lopez Blvd. nang magkagitgitan ang mga ito.

Pagsapit sa malapit sa Smokey Mountain Police Community Precinct, bumaba ng van ang biktima at kinompronta ang suspek.

Dito nagkasigawan ang dalawa at nagkahamunan ng away.

Sa halip na bumaba ng trak, pinaarangka­da ng suspek ang kaniyang sasakyan pa­tungo sa direksyon ng biktima dahilan para mabunggo siya at maipit sa pagitan ng dalawang sasakyan.

Ipinagpatuloy pa ng suspek ang pag-andar hanggang sa makaladkad ang biktima.

Isinugod sa Tondo Medical Center ang bik­tima kung saan siya idi­neklara na wala nang buhay, habang nada­kip ng mga tauhan ng Smokey Mountain PCP ang papatakas na suspek.

Nahaharap ngayon si Ilas sa kasong Murder sa Prosecutors’ Office ng Maynila.

Show comments