Holdaper ng taxi, huli sa loob ng ospital

MANILA, Philippines — Nalambat ng pulisya ang isang sugatang holdaper ng taxi nang magtungo sa ospital upang magpagamot dahil sa tama ng bala, sa Quezon City.

Nakilala ang naarestong  suspek na si Cesar Teodoro Jr., 50, ng Palm Grove Exec. Village, Imus, Cavite, habang nakatakas naman ang kanyang kasabwat na si Restituto Elejord, 62, ng Apelo Cruz Extn., Malibay, Pasay City.

Batay sa ulat, dakong alas-8:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa Tabayoc St., kanto ng N.S. Amoranto St., sa QC.

Nauna rito, namamasada ng taxi ang ‘di pinangalanang bik­tima nang parahin siya ng mga suspek sa Baclaran at magpahatid sa Sta. Catalina, Banawe St., Quezon City.

Gayunman, pagsapit sa Tabayoc St., ay bigla na umanong tinutukan ng baril ng mga suspek ang biktima at nagdeklara ng holdap.

Dahil sa takot, mabilis na tumalon ang biktima mula sa taxi habang tumakas ang mga suspek sakay ng taxi.

Namataan naman ng mga alertong pulis ng PS 1, na nagsa­sagawa ng covert patrol, nagsumbong ang taxi driver kaya’t mabilis na rumesponde.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis ngunit binangga ng mga suspek ang sinasakyan nilang motorsiklo.

Pinaputukan rin umano sila ng mga suspek kaya’t gumanti ang mga pulis at tinamaan ang isa sa kanila ngunit nagawa pa ring makatakas ng mga ito. Malaunan ay nakatanggap ng tip ang mga tauhan ng PS 11 mula sa  isang ospital hinggil sa isang pasyente na may tama ng bala.

Kaagad na nagtungo sa pagamutan ang mga pulis at biktima at dito natukoy na ang pasyente ang siyang humoldap sa kanya, kaya’t kaagad na itong inaresto. Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril na kargado ng apat na bala, balisong, dalawang IDs at isang itim na body bag. Inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa suspect.

Show comments