Plaka sa mga sasakyan, paubos na rin - LTO
Matapos ang papel na lisensya
MANILA, Philippines — Matapos na sumingaw ang problema sa kawalan ng plastic driver’s license ng mga motorista, inamin din kahapon ng Land Transportation Office (LTO) na paubos na rin ang plaka ng mga sasakyan na maibibigay sa mga motorista.
Ayon sa LTO, ubos na ang plaka para sa mga motorsiklo sa buwan ng Hunyo at ubos na rin ang plaka para sa mga four-wheeled vehicles sa buwan ng Hulyo ngayong taon.
Sinabi ni LTO chief Jay Art Tugade na naipaalam na ito ng ahensiya ang problema sa Department of Transportation (DOTr) kahit na ang LTO ang naatasang mangasiwa sa pagbili ng license plates na may halagang P4.5 bilyon.
“Insofar as the license plates are concerned, based on the forecast of the LTO, license plates will run out for motorcycles by June, and by July, the license plates for motor vehicles will be depleted as well,” sabi ni Tugade.
Sinabi ni Tugade na bilang solusyon, papayagan ng ahensiya ang mga may -ari ng motorsiklo at ibang sasakyan na maglagay ng kanilang pansamantalang license plate at lagyan ito ng kanilang file number.
“For example, motorcycle owners, in the absence of a plate number, they can create a plate number and on the plate number, it will say the motor vehicle file number of the motorcycle,” sabi pa ni Tugade.
Gayunman, nangangamba si Tugade na posibleng maging prone ang Pilipinas sa krimen kung hahayaan ang sinuman na maglagay ng sariling plate number sa kanilang sasakyan.
Ani Tugade na gagawa sila ng paraan upang may pagkakilanlan sa isang sasakyan tulad ng conduction sticker.
“Similar to a brand-new motor vehicle, a car, wherein the identification mark is the conduction sticker. We will be applying the same concept to motorcycles in the event that we fully run out of motorcycle plates,” paliwanag ni Tugade.
Sinabi ni Tugade na susuriin ng LTO ang Certificate of Registration ng car owner na mayroong file number para madetermina ang pagkakilanlan sa sasakyan.
Noong October 2022, nangako ang LTO na kakayaning matapos ang may 90 percent ng backlog sa plaka ng mga sasakyan sa pagtatapos ng taong 2023.
- Latest