MANILA, Philippines — ‘Walang cover-up sa pagkakasabat ng P6.7 bilyon na halaga ng shabu at pag-aresto kay PMSgt. Rodolfo Mayo, Jr. noong Oktubre 2022 sa Maynila.’
Ito ang binigyan diin ni PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Director PBrig. Gen. Narciso Domingo, na isa sa tinukoy ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos na umano’y dawit sa pinakamalaking drug ops.
Kasabay naman nito ay nagsumite na rin si Domingo at siyam niyang mga tauhan ng leave of absence, alinsunod sa panawagan ni Abalos.
Ayon kay Domingo, sumunod sila sa panawagan ni Abalos upang bigyan daan ang ginagawang imbestigasyon sa isyu ng nasabat na shabu.
Magugunitang bukod kay Domingo, tinukoy din ni Abalos sina PLt. Gen. Benjamin Santos, na noo’y PNP deputy chief for operations; PLt. Col. Glenn Gonzales ng Quezon City Police District; PLt. Col. Arnulfo Ibañez, OIC ng PDEG SOU- NCR;PMajor Michael Angelo Salmingo, deputy ng PDEG SOU NCR; PCapt. Jonathan Sosongco, hepe ng PDEG SOU 4A arrest team; PLt. Ashrap Amerol, intelligence officer ng PDEG Intelligence and Foreign Liaison Division;PLt. Col. Harry Lorenzo station commander ng Manila Police District in Moriones at PCapt. Randolph Piñon, hepe ng PDEG SOU 4A Intelligence Section.
Pinanawagan ni Abalos ang ‘pagbabakasyon’ ni Domingo at 10 iba pa na nakita sa CCTV sa pinakamalaking drug operations sa bansa.
Subalit umalma si Domingo sa pagsasabing hindi tama at patas na pagdudahan siya dahil sila mismo ang nanguna upang maaresto si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr.
Sinabi ni Domingo na malinis ang kanyang konsensya at lahat ng ebidensyang nakalap ng PDEG ay naibigay kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr.
Sinalungat din ni Domingo ang pahayag ni Abalos na iba ang report na isinumite ng pulis sa DILG, Napolcom at Kamara sa aktuwal na operasyon.