3 Chinese arestado sa pagkulong sa kababayan
MANILA, Philippines — Kalaboso ang tatlong lalaking Chinese national dahil sa illegal detention sa isa nilang kababayan na bigong mabayaran umano ang casino chips na nagkakahalaga ng P500,000 na kanyang hiniram sa isang indibiduwal sa Okada Manila, sa Parañaque City, Biyernes ng hapon.
Sa ulat, ang tatlo na pawang nakapiit na sa Tambo Police Sub-Station ay kinilalang sina Wang Dingding, Ying Jian at Yong Jin Ong.
Dakong alas-2:00 ng hapon ng Abril 7, 2023 nang arestuhin ang mga suspek sa VELAA Junket, Okada Manila, sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Nabatid sa reklamo ng biktimang si Zhou Qing, 33 taong gulang, Chinese national, noong Abril 6 ay puwersahan siyang ikinulong ng mga suspek matapos maipatalo o mawala na ang mga casino chips na hiniram niya sa hindi pa nakikilalang tao.
Tinawagan umano ng biktima ang girlfriend na si Anne Rose Valenzuela Burca na humingi ng tulong sa mga security guard ng Okada Manila na nagresulta sa pagsagip sa biktima at pag-aresto kay Wang.
Nang dumating naman si Ying at Yong para saklolohan si Wang, itinuro rin sila ng biktima na kasama sa pumigil sa kaniya na hindi makalabas ng pinagkulungang silid sa Okada.
Sila rin umano ang nagbanta sa biktima na ibebenta siya sa isang kumpanya ng POGO kung hindi mababayaran ang mga nawawalang casino chips.
- Latest