MANILA, Philippines — Isang lalaki ang inaresto ng mga pulis matapos na manggulo sa istasyon ng Metro Rail Transit Line (MRT-3) sa Quezon City, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) - Masambong Police Station (PS 2), na pinamumunuan ni P/LtCol Resty Damaso, kinilala ang suspek na si Guia Sumiling, 50, at residente ng San Jose, Montalban, Rizal.
Sa imbestigasyon, nabatid na dakong alas- 4:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa southbound lane ng MRT-3 North Avenue Station sa Quezon City.
Nauna rito, sumakay ang suspek sa naturang train station ngunit nairita nang hindi basahin ng makina ang kanyang beep card kahit ilang ulit na niya itong ipinasok.
Sa halip naman umanong manghingi ng assistance sa guwardiya, nagwala ang suspek at inihagis ang kanyang helmet at bag sa beep card machine, sanhi upang magdulot ng takot sa ibang commuters.
Kaagad namang nilapitan ng guwardiya ang suspek at tinangkang payapain ngunit nagsisigaw umano ang suspek at ipinahiya ang guwardiya at ang management.
Mabilis din namang rumesponde ang mga duty Police Officers sa lugar at inaresto ang suspek, na sasampahan ng mga kasong Alarms and Scandals at Unjust Vexation sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni QCPD Director PBGen. Nicolas Torre III ang kanyang mga tauhan sa maagap na pagresponde sa insidente.