MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ni Parañaque Mayor Eric Olivarez na ipapamahagi na ng pamahalaang lungsod ang P500 monthly financial allowance para sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Olivarez, ang sakop na mga buwan ng tsekeng napirmahan niya ay mula Setyembre hanggang Disyembre 2022 kung kaya P2,000 bawat isa ang matatanggap ng 110,000 mag-aaral o P500 kada-buwan.
Ang nasabing “special allowance” ay malaking tulong sa mga mag-aaral upang magamit nilang pamasahe, baon, at iba pang bagay na kailangan sa paaralan.
Aniya, ang mga mag-aaral sa elementarya at high school ay makakatanggap ngayong buwan ng kanilang P500 buwanang tulong pinansyal sa pamamagitan ng ATM accounts para sa school year 2022-23.
Bukod pa riyan, halos 3,472 mag-aaral naman sa kolehiyo ang makakatanggap din ng kanilang College Educational Financial Assistance Program o CEFAP para sa unang semester ng school year 2022-2023 sa tulong ng Special Services Office.
Sinabi ni Olivarez na may 1,412 mag-aaral mula unang distrito ang makakatanggap habang sa Miyerkules naman makakatanggap ang 2,060 mag-aaral mula sa pangalawang distrito.
Dagdag pa ni Olivarez – na namamahala sa Olivarez College na pag-aari ng pamilya sa Parañaque at Tagaytay, Cavite – na ang kanyang administrasyon ay “patuloy na lalawak at maghahanap ng iba pang paraan upang patuloy na matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa buong lungsod.”