MANILA, Philippines — Naging makulay ang pagdiriwang ng pamahalaan ng Las Piñas City sa ika-26th cityhood at ika-116 taon pagkatatag sa pamamagitan ng mga aktibidad at programa na nagpasaya sa mga residente.
Pinangunahan ni Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar, ang iba’t ibang isinagawang aktibidad kahapon. Kabilang dito ang health and wellness programs sa Verdant covered court, libreng laboratory test sa FBS, cholesterol and blood typing, HIV screening, nutrition education, dental services, immunization para sa mga paslit na may edad na 0 hanggang 59 na buwang gulang, pneumonia vaccines para sa senior citizens, family planning at chest x-ray.
Bukod sa health and wellness,inihanda rin ang ibang programa kasama na ang cityhood mega job fair sa Robinsons Place.
Inihayag pa ng alkalde na ang lokal na pamahalaan ay magsasagawa rin ng mga serbisyo sa pagtanggap ng mga aplikasyon at pagre-renew ng green card holders.
Idinagdag pa ni Mayor Aguilar na may libreng mga bakuna at deworming para sa mga alagang pusa at aso, habang may pamamahagi ng free seedlings at fertilizers.
Tampok din sa pagdiriwang ang “Kasalang Bayan” (mass wedding) na inihanda ng lokal na pamahalaaan sa darating na Marso 31.