Dry run sa single ticketing system, isasagawa sa Abril – MMDA
MANILA, Philippines — Nakatakdang isagawa ang dry run para sa pagpapatupad ng single ticketing system sa una o ikalawang linggo ng Abril, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na pitong local government units sa Metro Manila ang nagpahayag ng kanilang kahandaan para sa dry run na ipatutupad ng MMDA. Ito ay kinabibilangan ng San Juan, Muntinlupa, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Manila at Caloocan.
“The single ticketing system across Metro Manila is nearing full implementation. There is a need to conduct a dry run to increase public awareness,” ani Artes sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) na isinagawa kamakalawa.
Matatandaan, pinagtibay ng Metro mayors ang single ticketing system sa pamamagitan ng pag-apruba ng Metro Manila Traffic Code of 2023 na nagbibigay ng sistema ng interconnectivity sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno sa transportasyon at pamamahala ng trapiko para sa magkakatugmang multa at parusa.
Dagdag pa ni Artes, ang Land Transportation Office ay bumalangkas ng memorandum of agreement tungkol sa interconnectivity sa mga LGU at data privacy agreement.
Naniniwala naman si MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora , na ang pagpapatupad ng single ticketing system ay kapaki-pakinabang sa mga motorista dahil maaari na silang magbayad sa pamamagitan ng online channels para sa mga paglabag. Kabilang dito ang pagbabayad sa Bayad Centers saan mang lugar sa bansa o sa mobile apps.
- Latest