Luis Manzano, ipatatawag ng NBI sa investment scam
MANILA, Philippines — Ipatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang aktor at television host na si Luis Manzano dahil sa investment scam.
Dumulog sa NBI ang negosyanteng si Jinky Sta. Isabel matapos siyang mag-invest ng halos P4 milyon para maging co-owner ng dalawang gasolinahan ng Flex Fuel Corporation noong 2020.
Kasamang inireklamo ni Sta. Isabel si Manzano na dating Chairman ng kumpanya. Sinabi niya na na-engganyo lang siyang mag-invest dahil sa garantiya nito bilang chairman.
Salaysay ng biktima, pinangakuan umano siya ng kita na P140,000 kada tatlong buwan ngunit mula 2021, nasa P90,000 lang ang kaniyang nakuha.
Katwiran umano sa kaniya ng kumpanya ang pagtama ng COVID-19 pandemic at lockdown kasunod ang economic crisis dulot ng giyera sa Ukraine.
Binabawi umano niya ang kaniyang investment kahit wala nang kita. Ngunit nanlumo siya nang matuklasan na higit 130 silang investors na may parehong sinapit.
Sa pahayag ni Manzano, Nobyembre 2022 pa lang ay una na siyang humingi ng tulong sa NBI dahil may utang din sa kaniya ang kumpanya na P66 milyon. Iginiit niya na inilaban niya ang mga reklamo ng mga investors pero hindi natugunan.
Huli na ng mabalitaan nina Sta. Isabel na nagbitiw na si Manzano noong Pebrero 2022. Sinabi niya na hindi dapat ura-urada na nang-iwan si Manzano at dapat inihayag niya ang kaniyang pagre-resign sa kumpanya.
Sinabi ni NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia na bibigyan ng pagkakataon sina Manzano at iba pang opisyal ng Flex Fuel na magpaliwanag sa ipapatawag nilang pulong.
- Latest