MANILA, Philippines — Arestado ang isang 31-anyos na itinurong nagnakaw ng nasa P5 milyong halaga ng ready-to-wear overrun garments sa bodega ng isang banyagang negosyante, sa Malate, Maynila, iniulat kahapon.
Kinilala ni P/Lt. Gary June Gading, hepe ng Theft and Robbery Section ng Manila Police District ang suspek na si Sadic Garangan, alyas Alex, 31, residente ng Bagong Sikat, Parañaque City, na positibong itinuro ng jeepney driver at witness na si Ramon Austria, na naka-transaksyon para sa paghahakot ng mga nakaw na RTW.
Bukod kay Garangan na isinailalim na sa inquest proceedings nitong Biyernes dahil sa paglabag sa Article 302 (Robbery In An Uninhabited Place ) ng Revised Penal Code, ang tatlong natukoy na bumili ng kahun-kahong nakaw na garments ay sinampahan din ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 1612 (Anti Fencing Law).
Nakilala ang mga ito na sina Jomal Macarampat, alyas Azis, 24, online seller; Ainah Sultan, 24, online seller; at Akil Jamaloden, 23, driver , pawang residente ng Baclaran, Parañaque City.
Sa reklamo ng negosyanteng si Mr. Kowsar MD Abul, 59, RTW businessman, Enero 18, 2023 ng alas-9:30 ng umaga nang madiskubre niya na nawawala ang nasa 500 kahon ng overruns garments na nagkakahalaga ng P5,000.000.
Natuklasan ng kaniyang saleslady na si Jennifer ang mga nawawalang garments ay ibinebenta online sa Facebook.
Agad silang nagsumbong sa pulisya kung saan ikinasa ang entrapment operation kung saan nadakip ang mga ito.
Kasunod nito ang follow-up operation kung saan natunton ang driver na si Austria. Sinabi ni Austria na nirentahan ang kaniyang dyip sa halagang P2,000 para umano sa ‘lipat-bahay’ na ‘di niya inakalang ang hahakutin ay mga nakaw na garments.