Katubigan sa bisinidad ng Quirino Grandstand, sisisirin ng PCG

Minamadali na ng mga tauhan ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) ng lungsod ng Maynila ang pagtatayo ng stage sa Quirino Grandstand bilang paghahanda sa pagdiriwang sa pista ng Itim na Nazareno.
Ernie Peñaredondo

Seguridad sa pista ng itim na Nazareno

MANILA, Philippines — Sisisirin ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga katubigan na nakapaligid sa Quirino Grandstand, simbahan ng Quiapo at iba pang lugar na pagdarausan ng mga aktibidad ng Pista ng Itim na Nazareno upang makatiyak sa seguridad sa lahat ng mga deboto at iba pang dadalo.

Sinabi ni PCG District National Capital Region-Central Luzon (NCR-CL) Commander, CG Commodore Hostillo Arturo Cornelio na naka-heightened alert na rin sila mula Enero 7 hanggang Enero 9 para magsagawa ng maritime safety and maritime security operations sa Manila Bay at Pasig River.

Tututukan dito ang mga katubigang sakop ng Jones Bridge, MacArthur Bridge, Quezon Bridge, at Ayala Bridge, gayundin ang likod na bahagi ng Quirino Grandstand.

Humigit-kumulang 10 Coast Guard floating asset tulad ng fast patrol boat, aluminum boat, rubber boat, rigid hull inflatable boat, at ferry boat ang i-de-deploy para labanan ang anumang banta sa kaligtasan ng mga deboto.

Liban sa mahigpit na pagpapatrolya, magsasagawa rin ng underwater inspection sa mga nabanggit na katubigan.

Magpapakalat din ng daan-daang Coast Guard security personnel, medical team, K9 unit, at Explosive Ordnance Disposal (EOD) specialist sa mga kritikal na lugar sa Maynila.

“Dalawang taon ding natigil ang tradisyong ito dahil sa pandemya, kaya inaasahan natin na dadagsa ang mga deboto para makibahagi sa mga aktibidad ng simbahan ngayong taon,” ani CG Commodore Cornelio.

Nakaantabay rin umano ang PCG sa pag-responde sa mga insidente tulad ng terorismo, stampede, sunog, o lindol para maitaguyod ang kapakanan ng publiko.

Magpapalabas din ng “Notice to Mariners” para ipagbigay-alam sa mga tripulante at marino na magiging mas mahigpit ang pag-i-inspeksyon sa mga bangka at sasakyang pandagat.

Show comments