MANILA, Philippines — Dalawang lalaki ang inaresto ng Makati Police nang matunton sa kanila ang mamahaling celphone na dinukot sa backpack ng isang babae sa Makati City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Jaylord Lucero y Apelo, 22, na ipinagharap ng reklamong Theft o paglabag sa Revised Penal Code 308; at Bernard Picar, 23, parking boy sa paglabag naman sa Republic Act 10591 illegal possession of firearms and ammunition) nang masamsaman ng baril.
Sa ulat ng Palanan Police Sub-station ng Makati City Police Station, dakong ala-1 ng hapon kamakalawa nang maaresto ang dalawang suspek sa Bagtikan St., cor. Guiho St., Makati City.
Sa reklamo ng biktimang si Loren Ann Sagun, 32 , nawala ang kaniyang iPhone 12 Pro Max na nagkakahalaga ng P80,000.00 na nakalagay sa kaniyang backpack habang naglalakad kasama ang ilang ka-tropa.
Ayon sa ulat, idinulog ng biktima ang pagkawala ng kaniyang cellphone at nang gamitin ang kaniyang “Find my iPhone” app ay natunton ito na nasa Zapote St., Makati City.
Mabilis na tinungo ng mga tauhan ng Palanan Police Substation at mga tauhan ng SWAT at natunton na nasa Bagtikan St . ang cellphone.
Nabawi ang celphone na dinatnang hawak pa ni Lucero at sa kasabwat umanong si Picar ay nakuhanan naman ng isang Improvised Magnum .22 revolver na kargado ng isang bala.