‘Homeless’ na mag-ama nakaligtas sa bumagsak na container van
MANILA, Philippines — Nakaligtas sa posibleng kamatayan ang isang mag-ama na sa bangketa natutulog makaraang magising at makaiwas sa bumagsak na container van sa kanilang puwesto nitong Huwebes ng gabi sa Tondo, Maynila.
Laking pasalamat ni Eduardo Gosarin na nakaalis sa lugar katabi ang kanyang 6-anyos na anak bago bumagsak ang container van sa bangketa sa may Mel Lopez Blvd. (Road 10).
Sa ulat, alas-8 ng gabi nang umalingaw-ngaw ang malakas na tunog sa lugar dahil bumagsak na pala ang container van nang masira ang paa ng landing gear nito.
Ayon sa truck driver na si Jimmy Celada, nakahinto siya sa gilid ng kalsada at magpapalit ng tractor head na magkakarga sa container van nang masira umano ang landing gear kaya tumaob ito.
Tinatayang nasa 20 tonelada umano ng audio equipments ang laman ng container van.
Papunta sanang Quezon City ang container van makaraan na hakutin mula sa pier.
Inabot naman ng ilang oras bago natanggal ang tumaob na container van sa kalsada na inabot ng Biyernes ng madaling araw. Nagresulta ito ng mabigat na trapiko sa lugar.
- Latest