Pagtaas ng pasahe sa MRT-3, hindi maiiwasan – DOTr

Metro Rail Transit (MRT) coaches undergo maintenance service at the MRT Line 3 depot in Quezon City on Wednesday (November 9, 2022).
STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Hindi umano maiiwasan ang pagtataas ng pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), kahit pa hindi ito maisapribado.

Ito ang ginawang paglilinaw kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez kasunod ng pangamba ng ilan na tataas ang pasahe ng MRT-3 kung matutuloy ang planong isapribado ang operasyon at maintenance nito.

Ayon kay Chavez, ‘inevitable’ o hindi talaga maiiwasan na magtaas ang pasahe ng MRT-3 kahit ang pamahalaan pa rin ang namamahala dito dahil na rin sa tumataas na singil sa kuryente at halaga ng mga spare parts nito.

“Even under the go­vernment, kahit sa ngayon, minsan ay hindi maiiwasan ang fare increase not because of private support o private intervention. Sapagkat tumataas ang halaga ng mga piyesa sa buong mundo, tumataas din ang kuryente,” paliwanag pa ni Chavez sa panayam sa radyo.

“It is not only necessary but inevitable that at a certain point in time, ay kinakailangang itaas ang pamasahe. Ang tanong na lang, magkano ang itataas at ano ang kapalit nito–-magandang serbisyo,” dagdag pa niya.

Nabatid na ang planong isapribado ang MRT-3 upang mapaganda pang lalo ang serbisyo nito, ay isa sa mga panukalang pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan bunsod na rin nang nakatakda nang pagtatapos ng build-lease-transfer contract ng Metro Rail Transit Corporation sa 2025.

Sinabi naman ni Chavez na ang talaka­yan sa naturang plano ay nasa DOTr level pa lamang at malaunan ay ipagpapatuloy sa National Economic and Development Autho­rity (NEDA).

Show comments