Negosyante, patay sa sariling baril
Sa harap ng ina
MANILA, Philippines — Aksidenteng nabaril ng isang negosyante ang kanyang sarili na naging sanhi ng kanyang kamatayan sa harap mismo ng kanyang ina sa loob ng kanilang condominium unit sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang nakilalang si Carl Dominic Ermitano Isla, 48, at nakatira sa isang condominium building sa Eastwood City, Brgy. Bagong Bayan, Quezon City.
Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nabatid na dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng condo unit ng biktima.
Nauna rito, tinuturuan umano ng biktima ang kaniyang ina kung paano gamitin ang 9MM Glock 19 Gen 5 USA.
Noong una ay nagpa-practice lamang umano ng dry fire ang biktima, ngunit sa hindi pa malamang dahilan ay naisipan umano nitong kargahan ng isang bala ang baril saka itinutok sa ulo at ipinutok.
Kaagad na duguang bumulagta ang biktima.
Ang kanyang ina naman ay kaagad na nagtatakbo at humingi ng tulong sa mga guwardiya ng condo ngunit patay na ang biktima kaya’t ini-report na lamang ito sa mga otoridad upang maimbestigahan.
- Latest