5 huli sa child exploitation
MANILA, Philippines — Timbog ang limang indibiduwal na sangkot umano sa ‘child sexual exploitation’ makaraang salakayin ang bahay na sentro ng kanilang operasyon at mailigtas ang pitong batang biktima sa lalawigan ng Pampanga kamakailan.
Kinilala ang mga naaresto na sina Syrra Songco, Ma. Elaiza Songco, Haian Songco, Ailyn Flores y Songco at Albert Flores.
Sa ulat ng NBI-Anti Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD), una silang nakatanggap ng impormasyon ukol sa isang “Syrra Songco” na nagbebenta ng mga “child sexual abuse or exploitation materials (CSAEM)” sa mga dayuhan.
Ito ay makaraan na isang US citizen na si Charles Wheat ang maaresto sa Amerika dahil sa pagtataglay, produksyon at pamamahagi ng CSAEM.
Inamin niya na natanggap niya ang mga materyales kapalit ng pera buhat kay Syrra na umano’y nang-aabuso ng mga bata sa Pilipinas.
Dito natukoy ng NBI si Syrra at nagkasa ng entrapment operation. Isang poseur-client ang kumontak sa suspek sa pamamagitan ng messenger at ipinakita pa sa video call ang bata na iniaalok niya para sa ‘sexual exploitation’.
Nitong Oktubre 6, 2022 nang salakayin ng NBI na armado ng search warrant ang bahay ng suspek sa may Sadsad Street, San Roque, Dau Uno, Lubao, Pampanga.
Kasama ng NBI ang mga tauhan ng Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons (IACAT), HSI Transnational Crime Investigative Unit (HSI-TCIU), at City Social Welfare and Development (CSWD) ng Pampanga.
Dito nadakip ang limang suspek habang nailigtas ang pitong bata na ang pinakabata ay nasa walong buwang gulang lamang.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act; RA 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; at RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
- Latest