Security outposts vs kidnapping, itinatag sa Muntinlupa

MANILA, Philippines — Dahil sa pagkaalarma sa bali-balita ng kidnapping, inumpisahan na ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang paglalagay ng mga ‘security outposts’ sa ilang national road at boundaries sa siyudad para mapataas umano ang seguridad at pagbabantay sa mga mamamayan.

Matatagpuan ang security outposts sa City Alternate Route Entry and Exit (C.A.R.E.S.) Guard House sa Pleasant Ville, Bayanan, at Soldier’s Hills, Putatan, gayundin sa Soldier’s Hills Caltex,

National Road, Putatan. Marami pang ilalagay na security outposts sa mga susunod na araw.

Sinabi ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon na ito ay makaraang kumalat ang balita ukol sa kidnapping na iginiit naman niya na walang katotohanan.
Sa kumalat na mensahe sa messenger application, nananawagan dito na mag-ingat ang mga residente ng siyudad dahil sa kabi-kabila umanong kaso ng kidnapping.

“Attention Everyone!!! Mag ingat po ang lahat sa pag-uwi, maging aware sa paligid as much as possible mag pasundo sa kanino pag-uuwi may mga cases na sa Muntinlupa Area. Soldiers: 3 cases of kidnapping, Katarungan: 2 cases of kidnapping, Bayanan Area: 2 cases of kidnapping,” bahagi ng mensahe.

Agad naman itong pinaimbestigahan ni ­Biazon sa Muntinlupa City Police at lumabas na wala namang katotohanan ang naturang mga kaso dahil sa walang makitang rekord ng mga ito.

Sinabi rin ni Biazon na sa umpisa pa lang ng kaniyang termino ay ipinag-utos na niya sa PNP na palakasin ang ‘police visibility’ sa pamamagitan ng pagpapatrulya at inalerto rin ang pagbabantay ng Public Order and Safety Office at City Security Office.

Show comments