Dahil kay ‘Karding’
MANILA, Philippines — Suspendido na ang klase at trabaho sa mga paaralan na sakop ng National Capital Region (NCR) ngayong Lunes, Setyembre 26, bunsod ng pananalasa ng super bagyong Karding sa ilang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga lokal na pamahalaan na nagsuspinde na ng klase sa Metro Manila ay ang Quezon City, Caloocan City, Las Piñas City, Malabon City, Mandaluyong City, Marikina City, Manila City; Muntinlupa City; Parañaque City; Pasay City; Pasig City; San Juan City; Taguig City; Valenzuela City; Navotas City; Makati City at ang bayan ng Pateros.
Sakop ng suspensiyon ng klase ang lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa kani-kanilang nasasakupan, face-to-face man ito o online class.
Maging ang pasok sa mga tanggapan ng mga naturang lokal na pamahalaan ay sinuspinde na rin.
Pinaalalahanan pa ng mga ito ang mga mamamayan na maging alerto at manatiling updated sa lagay ng panahon at sitwasyon sa kanilang kapaligiran.
Payo pa ng mga naturang local government units sa kanilang mga residente na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Sa anunsyo naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, suspendido ang pasok sa Senado ngayong Setyembre 26 at magbabalik ang trabaho sa Martes pati na rin ang session ng alas-3 ng hapon.
Nagsuspinde rin ng pasok ang Supreme Court sa lahat ng lebel ng mga korte sa NCR, Regions 3, 4, at 5 na inaasahang daraanan ng bagyo. Kanselado rin ang pasok sa mga tanggapan ng Commission on Elections sa NCR, Regions 3, 4A, 4B, at 5. Suspendido rin ang pag-iisyu ng voter’s certification at iba pang serbisyo sa mga nabanggit na lugar.
Hanggang nitong Linggo ng hapon ang ilang bahagi ng Metro Manila ay nasa ilalim na ng Signal No. 4 at 3 dahil kay Karding.