Junkshop, bahay niragasa ng dump truck: 3 sugatan

Niragasa ng dump truck ang isang junk shop at isang bahay sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City kahapon ng ­umaga. Tatlo ang iniulat na nasugatan sa insidente kabilang ang driver ng trak.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Tatlo katao ang iniulat na nasugatan nang araruhin ng isang dump truck ang isang bahay at junk shop matapos na mawalan ng preno sa pababang bahagi ng Brgy. Batasan Hills, ­Quezon City, kahapon ng umaga.

Nakilala ang mga sugatan na sina Carlo Reyes Tinio, driver ng dump truck at ang kanyang mga sakay na sina Agnes Salonga at isang nakilala lang sa pangalang Jenni.  Sila ay isinugod sa East Avenue Medical Center upang malunasan.

Samantala, nawasak naman ang tahanan at junkshop na matatagpuan sa San Mateo Road, malapit sa Saret St., Brgy. Batasan Hills Quezon City, ngunit masuwerteng hindi naman nasaktan ang mga may-ari nito na sina Lorna Garino Mendoza, at Gloria Tapar.

Batay sa ulat ng Traffic Sector 5 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (DTEU), nabatid na dakong alas-6:30 ng umaga nang maganap ang aksidente sa nasabing barangay.

Sa imbestigasyon nina PMSgt Gerald Gallardo at PSSg Alfredo Moises III ng Traffic Sector 5, nabatid na naganap ang aksidente habang binabaybay ng Hankuk Dump Truck (NGR-2830) na minamaneho ni Tinio ang kahabaan ng San Mateo Road galing ng IBP patu­ngong Marikina City.

Pagsapit umano ng truck sa pabulusok na daan sa San Mateo Road malapit sa Saret St., ay bigla na lang nawalan ng kontrol ang driver sa truck kaya’t tuluy-tuloy itong bumangga sa bahay at junkshop na nagresulta ng pagkakasugat ng mga sakay nito.

Show comments