Sunog sumiklab sa Makati: Babae patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines — Hindi kinaya ng isang ginang nang makitang natutupok ang kanyang bahay matapos siyang atakihin sa puso habang isa pang residente ang malubhang sugatan nang sumiklab ang sunog kasunod ng isang malakas na pagsabog sa kanilang lugar sa Makati City kahapon ng madaling araw.
Kinilala lang sa pangalang “Susan” ang nasawing ginang habang isa pang babaeng residente na malubhang nasugatan ang nailalapatan ng lunas sa opsital matapos magtamo ng matinding paso sa kamay dahil sa isang pagsabog.
Sa inisyal na datos, dakong alas-3:28 nang sumiklab ang apoy sa isang residential area sa M. Guiho Extension sa Brgy. Cembo sa tapat ng isang ferry station sa Makati City.
Ayon sa opisyal ng barangay, mahimbing na natutulog ang mga residente nang isang malakas na pagsabog ang naganap at sinundan na ng sunog sa isang bahay.
Alas-3:36 nang ilagay ang sunog sa ikalawang alarma at alas-4:24 na ng madaling araw nang ganap na ideklarang “fire out” ng Bureau of Fire Protection.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang BFP sa sanhi ng pagsabog at sunog na tumupok sa tatlong bahay sa lugar.
- Latest