Lalaking nagtangkang manguha ng bala, napatay ng sekyu

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang lalaki na binaril ng security guard dahil sa diumano’y tangkang pangunguha ng metal furring mula sa construction site sa Pasay City, bago maghatinggabi nitong Sabado.

Kinilala ni Pasay City Police Station chief, P/Colonel Cesar ­Pa­­da­y-os, ang nasawi na si Albert Javier, 38, residente ng Macapagal Boulevard, Pasay.

Sumuko naman ang nakabaril na si Celso Piloton, 40, ng Eagle Guard Security Service na residente ng Pa­rañaque City.

Nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi ng Sabado nang maganap ang insidente sa construction site ng NS Mangio Construction sa Palm Beach West, Macapagal Boulevard, Pasay.

Sa salaysay sa pulisya ng saksi na si Arnold Antonio Jr., kasamahan sa security agency, habang nagro-roving si Piloton sa paligid ng itinatayong gusali nang mapansin ang tatlong lalaki na may kinukuhang metal furring.

Hinarang umano noi Piloton ang mga papatakas na lalaki nang biglang magbunot ng ice pick si Javier at inambahan ang sekyu, kaya nagawang bumunot ng baril at paputukan ng service firearm na kalibre .38.

Show comments