MANILA, Philippines — Nadakip ng pulisya sa isang entrapment operation ang isang empleyado ng Pasig City Hall, matapos na ireklamo ng pangongotong ng isang complainant na nag-aaplay ng building permit.
Sa ulat na inilabas ng Pasig City Police nitong Sabado, hindi pinangalanan ang 47-anyos na suspek, na empleyado ng Building Permit and Licensing Office (BPLO) ng Pasig City Hall, at residente ng Dr. Pilapil St., Brgy. San Miguel Pasig City.
Siya ay nakatakdang sampahan ng mga kasong Robbery Extortion, paglabag sa Republic Act 9485 o Anti Red Tape Act at RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices at Code of Ethical Standard of Public Employee sa piskalya.
Ang kanyang kasabwat naman, na hindi rin pinangalanan ay nasa kustodiya na rin ng Pasig Police, at nangakong tetestigo laban sa suspek.
Ayon sa Pasig City Police, dakong alas-3:40 ng hapon kamakalawa nang maaresto ang empleyado ng Pasig City Hall sa isang entrapment operation na ikinasa sa ikalawang palapag ng isang kilalang fast food chain na matatagpuan sa Caruncho Avenue, Brgy. Malinao, Pasig City.
Nauna rito, nagtungo umano ang complainant sa Office of the Building Official upang asikasuhin ang kinukuha niyang mga permit, ngunit kulang ito sa mga kinakailangang dokumento.
Dito na umano nagpakilala sa complainant ang suspek na empleyado ng BPLO at nag-alok na tutulungan siya para mabilis na matapos ang kanyang transaksiyon sa pagproseso at pagkuha ng building permit, occupancy permit, electrical installation at iba pang permit, kapalit ng P600,000.
Kinuha pa umano ng suspek ang cellphone number ng complainant at nakipagtransaksiyon sa kanya sa text, upang makuha ang hinihingi nitong halaga, kapalit nang pag-aayos ng kanyang mga kinakailangang permit.
Kaagad namang dumulog ang complainant kay Pasig City Hall Administrator, Atty. Jeronimo Manzanero, na mabilis na ipinag-utos ang pag-iimbestiga sa reklamo.
Nang makumpirma ang reklamo, kaagad ring nagkasa ang mga intelligence operatives na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Ang kanyang umano’y kasabwat naman ay tumestigo hinggil sa katotohanan ng modus ng suspek at nangakong magiging testigo ng prosekusyon.