Barangay chairman sa Malabon, niratrat ng tandem
MANILA, Philippines — Nasa malubhang kalagayan ang isang brgy. chairman makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Malabon City kahapon ng umaga.
Ang biktima ay nakilalang si Felimon Villanueva, 68, chairman sa Brgy. Tonsuya. Patuloy siyang inoobserbahan sa MCU Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa tiyan at kaliwang bahagi ng kaniyang katawan.
Sa inisyal na ulat nina police investigators P/Staff Sergeant Michael Oben at P/Corporal Renz Baniqued kay Malabon City Police Chief P/ Col. Albert Barot, dakong alas-9:35 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng tahanan ng biktima sa C. Perez Street., Brgy. Tonsuya ng lungsod na ito.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nakaupo ang biktima sa harapan ng kanilang tahanan nang biglang sumulpot sa lugar ang riding-in-tandem.
Armado ng hindi pa natukoy na kalibre ng armas ay agad na pinaputukan ng malapitan ng backrider ang biktima na duguang napahandusay sa lugar.
Ilang saglit pa mabilis na tumakas ang gunman sakay ng isang Honda motorcycle na minaneho ng kasabwat nitong suspect patungo sa direksyon ng E. Roque St. Brgy. Tonsuya habang isinugod naman ang biktima sa hospital ng ilang nagmalasakit na residente sa lugar.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa pamamaril at kung sino ang posibleng may gawa nito. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
- Latest