MANILA, Philippines — Muling magtataas ang presyo ng petrolyo ngayong Martes.
Sa anunsiyo kahapon ng Pilipinas Shell at Petron Corporation, at independent players na Flying V at Seaoil Philippines, ay alas-6:00 ng umaga magsisimula ang ipapataw na dagdag na P1.70 sa kada litro ng diesel, habang P0.45 naman sa kada litro ng gasolina at kerosene.
Kahalintulad na price adjustments din ang ipatutupad ng PTT Philippines, Total Philippines, Phoenix Petroleum, PetroGazz, Unioil Philippines at Jetti Oil sa kanilang mga produktong gasolina at diesel alas-6:00 din ng umaga habang ang Clean Fuel ay pagsapit pa ng alas-8:01 ng umaga.
Samantalang ang Chevron Philippines sa parehong taas-presyo ay mas maaga o pagtuntong pa lamang ng alas-12:01 ng madaling araw.
Ayon sa energy sources, ang giyera pa rin sa pagitan ng Ukraine at Russia ang pangunahing dahilan sa mabilis na pagsirit ng presyo ng mga imported na produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.