MANILA, Philippines — Isa ang iniulat na nasawi, habang labing anim naman ang isinugod sa pagamutan nang magkaroon ng ammonia leak sa isang ice plant sa Navotas City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Edwin Dela Vina, 48, na namatay sa kasagsagan ng paglilikas ng mga residente. Sinasabing ang biktima ay may sakit sa puso.
Paglilinaw naman ni Vonne Villanueva, Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) chief, kailangan muna maimbestigahan at makuha ang kopya ng medico legal upang matukoy kung may kinalaman ba sa ammonia leak ang pagkamatay ng biktima.
Ayon kay Villanueva, ang pito pang biktima na kasalukuyan nasa Navotas City Hospital ay nakatira malapit sa Magsimpan Ice Plant sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) Proper, Navotas, kung saan naganap ang ammonia leak.
Batay naman sa imbestigasyon ni Fire Inspector Frederick Polo ng BFP Navotas, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw sa Magsimpan Ice Plant sa Navotas.
Nakakasulasok na amoy ang nalanghap ng mga residente na naging dahilan ng paninikip ng kanilang dibdib. Agad ding inilikas mula sa planta ang nasa 15 sa mga empleyado.
Matapos ang isang oras, idineklarang kontrolado na ang ammonia leak.
Inaalam pa nila kung saan nagmula ang tagas o leak. Ito na ang pangatlong beses na nagkaroon ng ammonia leak sa nasabing ice plant.
Inaabisuhan ang mga residente na iwasang lumapit sa planta at magsuot ng face mask para sa kanilang kaligtasan.
Sa ngayon ay ipinatigil muna nila ang operasyon ng planta at titiyakin na ligtas na ang lahat bago pa man sila payagang makabalik.
Nabatid kay Villanueva na nasa 10 taon nang operational ang Magsimpan Ice Plant.