MANILA, Philippines — Muling nanawagan ang PASAHERO Partylist sa gobyerno na sa pagpapatupad ng fuel subsidies ay huwag namang kalimutang ibilang sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pasada program ang mga tricycle driver.
“Pagkakataon na ng gobyerno para matulungan naman ang mga kaawa-awang tricycle drivers natin. Napag-iwanan sila sa mga programa ng pamahalaan na tutulong sa mga maliliit na sangay ng transportation sector na talagang hinagupit ng pandemya. Sila rin ang pinaka-magdurusa ngayong tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo,” ayon kay PASAHERO Partylist founder Robert Nazal.
Matatandaan na nagpahayag ang inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) na magkakaloob sila ng fuel subsidies sa transport at agricultural sectors upang salagan sila sa pagsirit ng presyo ng langis na ngayon ay lumagpas na sa $100-per-barrel threshold.
Hinimok din ni Nazal ang DOTr na kung maaari ay bilisan na ng ahensya ang paglalabas ng guidelines upang maiparating na ang mga benepisyo sa target beneficiaries na kinabibilangan ng tricycle drivers base sa mandato ng GAA of 2022.
Aniya, may karapatan din ang tinatawag na “tatlong gulong” sectors na mabigyan ng tulong pinansiyal lalo na ngayong patuloy ang taas-presyo ng krudo sa gitna ng pandemya.
Sinabi naman ni PASAHERO Partylist co-founder Allan Yap na kailangang tiyakin ng pamahalaan na sa pagkakataong ito ay hindi na mapag-iiwanan ang mga tricycle drivers.