MANILA, Philippines — Hindi pa rin inirerekomenda ng OCTA Research Group ang paggamit ng face shields sa kabila nang namonitor na bahagyang pagtaas sa positivity rate ng COVID sa National Capital Region (NCR) at banta ng Omicron variant.
Sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na mairerekomenda lamang nila ang paggamit nito kung may nagaganap nang biglaang pagtaas o surge sa mga kaso ng COVID-19.
“During a surge naman, sinupport naman namin yung paggamit ng face shield dahil siguro kahit papaano baka may added layer of protection ‘yan. Pero in a non-surge situation pwede naman alisin ‘yan.
Sa ngayon, hindi pa naman siguro kailangan iyan. Malayo pa naman tayo umabot sa medyo malalang surge sa ngayon kahit na magkaroon ng uptick kasi napakababa ng bilang ng kaso natin,” dagdag niya.
Unang sinabi ni David na may bahagyang pagtaas sa positivity rate sa Metro Manila pero maaaring dulot umano ito ng mga selebrasyon. Hindi naman umano makikita ang tunay na sitwasyon ngayong Disyembre dahil sa mababang output sa mga testing.