MANILA, Philippines — Tiniyak ni Philippine National Police chief Gen. Dionardo Carlos na magkakaroon ng holiday break ang mga pulis upang makasama ang kanilang mga pamilya.
Ang paniniyak ay ginawa ni Carlos kasabay sa isinagawang tradisyunal na Christmas tree lighting kamakalawa sa Camp Crame.
Ayon kay Carlos, inatasan na niya ang PNP Directorate for Personnel na ayusin ang plano para sa pagpapauwi sa mga pulis sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong Holiday season.
Paliwanag ni Carlos, hindi biro sa mga pulis na ang mawalay sa pamilya alang-alang sa kanilang sinumpaang tungkulin lalo na ngayong may pandemya.
Hahatiin ang holiday break sa Christmas at New Years break.
Una na itong naisagawa noong panahon ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald Bato Dela Rosa.
Dito ay pahihintulutan na pansamantalang mag-report sa mga himpilan ng pulisya sa kani-kanilang mga probinsya ang mga pulis, upang magampanan pa rin nila ang kanilang tungkulin.
Samantala, nilinaw ni Carlos na bagama’t may holiday break may ilang tanggapan pa rin ang naka alerto ngayong holiday season.