Delivery rider timbog sa baril at granada
MANILA, Philippines — Nauwi sa habulan bago naaresto ang isang delivery rider na sangkot umano sa serye ng robbery holdup, nang humarurot upang takasan ang Oplan Sita dahil sa dalang baril at granada sa Makati City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Christian Paran, 20-anyos, residente ng P. Guevarra Sy., Sta. Cruz, Manila at miyembro umano ng “Errol Robbery Holdup and Carnapping Group”.
Sa ulat ng Poblacion Sub-Station ng Makati City Police kay Southern Police District Director Jimili Macaraeg, alas-10:30 ng gabi nang mapansin ng mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita ang kakaibang kilos ni Paran nang mapadaan sa panulukan ng Salamanca at Eduque Sts., sa Barangay Poblacion.
Nang lalapitan si Paran ay bigla nitong pinaharurot ang motorsiklo kaya hinabol siya at nakorner.
Kinapkapan si Paran at nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre .38 revolver na may 5 bala; isang hand grenade; at 2 ID na may mga pangalang Ali Kreem Paran at Christian Paran, na may litrato niya.
Sa beripikasyon, natukoy na miyembro ito ng nasabing criminal group na sangkot sa mga holdapan.
Una nang ikinanta ng isang Ronne Casas, miyembro rin ng grupo na naaresto noong Setyembre 26, 2021 ang aktibidad ng grupo kung saan sangkot si Paran sa mga naganap na panghoholdap sa Makati City at iba pang kalapit na lugar.
- Latest