Negosyante sugatan sa ambush sa Malabon

MANILA, Philippines — Isang negosyante ang nasa malubhang kalagayan nang  pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek habang sakay ng kanyang kotse sa Malabon city, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Chinese General Hospital and Medical Center  si Allan Cruz, 50 at residente ng Rosal St., Brgy. Tanza, Navotas City dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inutos naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot sa kanyang mga tauhan ang masusing imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.

Dakong alas-10:45 ng gabi, tinatahak ng biktima ang kahabaan ng M. Sioson St., Brgy., Dampalit sakay ng kanyang Toyota Vios nang harangin ng mga suspek at pinagbabaril  pagsapit ng Road 25 .

Bagama’t sugatan, nagawang matakasan ng biktima ang mga suspek hanggang sa makahingi siya ng tulong sa mga tauhan ng Sub-Station 6 na nagsugod sa kanya sa naturang pagamutan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa insidente.

Show comments